Pangalan

 Mula noon hanggang ngayon, pilit ko pa ring inaalam ang tunay na nangyari. Hindi bale nang pag-initan nila ako, o alisin nila ako sa Organisasyon. Basta kailangan kong malaman ang totoo para na rin sa ikatatahimik ng kalooban ko. Wala na rin akong pakialam kung paratangan man nila ako ng samu't saring kasinungalingan at ng mga bagay na ni sa hinagap ay hindi ko kayang gawin.

Alam kong mahiwaga ang kanyang pangalan at narinig ko mismo mula sa kanyang bibig ang mga planong pabagsakin ang awtoridad ng Organisasyon sa mga katutubong kwento. Bilang isang Kapitan, nalalaman ko ang kalikasan ng mga rehistro ng iba't-ibang karakter, at ang partikular na pangalang ito ay nagtataglay ng isang uri ng mahika.


Subalit hindi sila nakinig sa akin. Maging ang mga Aswang Pulis ay natawa lamang sa aking mga sinasabi sapagkat mas pinairal nila ang kanilang personal na pagkamuhi sa mga Kapitan ng Pangalan. Wala raw akong sapat na ebidensiya upang iakyat ang kaso sa korte ng Organisasyon.

Dahilan sa kanilang kawalan ng aksyon, naging desperado na ako. Aaminin ko.

Maging ang mga Bida ay hindi interesado sa mga ulat ko tungkol sa pangalang ito. Marahil iniisip nila na ang mga Kapitan ay nakikipaglaban na palitan ang nga Aswang bilang maging pulis para sa Organisasyon at namumulitika lamang ako kaya't ipinag-walang bahala rin nila ang mga ulat na isinumite ko.

Mas lalo nang malala ang naging reaksyon ng mga Kontrabida. Ni hindi nila binasa ang aking ulat. Wala raw silang interes na sumali sa politika ng mga Kapitan na walang ginawa kung hindi guluhin ang mga institusyon ng mga katutubong kwento.

Sa madaling sabi, naganap na nga ang kinakatakutan ko. At walang may ibang alam ng lagim na ito kung hindi ako. Tunay ngang may taglay na lagim ang pangalang nagtatago sa liwanag ng araw.

x---------x

Ang larawan ay mula sa Pexels.

Comments

Popular Posts