Panunukso

Ako si Bryan. Isa rin akong Kontrabida na naghahanap ng kasagutan sa maraming katanungan. Kagaya mo rin ako na may mga bagay na hindi maintindihan. Nakakarinig din ako ng maraming tsismis tungkol sa buhay ng iba. Madalas naman, ako rin ang paksa ng tsismisan ng mga umpukan.

Kasi naman, kakaiba ang aking hitsura. Maraming mali sa aking mukha, at mula pagkabata ay ganito na ang kalagayan ng aking mukha. Madalas akong tuksuhin ng mga kalaro ko noong kabataan ko pa. Tinutuya nila ang pangit kong ilong, ang nakangiwi kong bibig, at kulubot kong mga pisngi.

Tinatawag nila akong halimaw.


Noon, tinitiis ko na lamang ang lahat ng panlalait nila. Madalas lumalayo na lamang ako papalayo at pagkatapos ay tatangis ng mapait habang dinadama ang sakit ng kanilang mga panlalait. Nagpatuloy ako sa buhay habang naririnig ang lahat ng kanilang panunukso nang hindi lumalaban pabalik.

Subalit nagbago ang lahat nang alukin nila ako na maging isang Kontrabida. Noong una ay hindi pa ako sigurado sa kung ano ang pipiliin ko. Alam ko kasing baka hindi ko mapigilan ang sarili kapag pumayag ako sa alok ng Organisasyon upang mapabilang sa Liga ng mga Kontrabida.

Baka mapatay ko lamang sila.

Matagal-tagal din ang lumipas bago nila ako mapapayag. Pilit kong pinakalma ang aking sarili upang hindi ako mapilitang gamitin ang aking gintong rebolber laban sa kanila. Bagaman naroon pa rin ang pait ng nakaraan, hindi na lamang ako naghangad na maghiganti. Ipinangako ko sa sarili ko na hindi ako tutulad sa kanila.

x---------x

Ang larawan ay mula sa Pexels.

Comments

Popular Posts