Aswang

 "Aswang? Aswang ba kamo?"

Hindi pa rin makapaniwala si Beatrice, leader ng Spirit Questors, sa ikinuwento sa kanya ni Joaquin. Alam niyang maraming bagay sa mundo ang hindi maipaliwanag ng agham, subalit ang makakita ng aswang sa gitna ng karamihan ng mga tao ay sadyang hindi kapani-paniwala.

"Nakatitig siya sa akin. Parang may importanteng pakay siya sa kanyang pagpapakita. Hindi ko alam kung ano ang totoong hitsura ng aswang subalit sa pagkakataong ito, sigurado ako. May isang matinis na boses na bumubulong sa akin, sumisigaw sa aking buong pagkatao. Isa nga siyang aswang."

Umiling-iling lamang si Beatrice. Hindi pa rin siya makapaniwala. May tiwala kasi siya kay Joaquin na hindi ito magsisinungaling. Totoong may mga aswang, pero ang magpakita sa kaniya ang mga ito sa lahat ng tao?

"Kailangan nating magpatawag ng pulong. Kinakabahan na ako sa mga nangyayari," ani Beatrice. May bakas ng pag-aalala ang kanyang mukha. Puno rin ito ng lungkot at ligalig.

"Ano ang kailangan nila sa akin, Beatrice?" tanong ni Joaquin. "May dapat ba akong malaman?"

Tumitig ng matalim si Beatrice sa kanya. May nais ipahiwatig ang kanyang mga mata. Pilit umiwas ni Joaquin subalit hindi siya makatakas sa tingin na iyon.

"Ikaw na nga kaya? Ikaw na ba ang hinihintay naming lahat?"

x------x

Ang larawan ay mula sa Pixabay.

Comments

Popular Posts