Kwintas

 "Kanino galing ang kwintas na 'yan?" tanong ni Ramir. Isinuot ko na kasi ang bigay na kwintas ni Rodrigo noong kaarawan ko. Ang sabi niya, kailangan ko raw ito bilang proteksyon. Maganda rin naman ang krusipiho bilang pendant nito. Kaaya-aya naman ang pagkagawa ng disenyo at gawa sa tunay na ginto.

"Regalo ito ni Rodrigo noong kaarawan ko," sagot ko. Nakita ko ang selos sa mukha ni Ramir pagkasabi ko nito. Tila nasaktan siya sa regalo ng aming kaibigan.

"Hindi ba kita kayang bigyan ng katulad na kwintas?" may tono ng pagkainis sa tinig niya.


Hindi na ako nakaimik. Tama naman si Ramir. Minsan kasi, hindi ko na nabibigyan ng atensiyon ang nobyo ko, lalo na ang mga regalong ibinibigay niya sa akin. Madalas parang hindi na namin kilala ang isa't-isa na para bang nakalimutan na namin na may relasyon kaming dalawa.

"Alam mo namang mahal na mahal kita, hindi ba?" tanong ni Ramir.

"Oo alam ko," sagot ko naman.

"Kaya nga hindi na kita pakakawalan e," tugon niya.

Tumango na lamang ako. Alam ko naman yun e. Nararamdaman ko sa mga yakap niya at naiintindihan ko siya. Napakalaki rin ng pagmamahal ko sa kanya. Hindi na kami makatatakas mula sa isa't-isa.

"Hayaan mo, mas maganda pa sa naging kasal ng pinsan mo ang magiging kasal natin. Tandaan mo yan," sabi niya.

Napangiti na lamang ako sapagkat sa kanya lang ako.

x------x

Ang larawan ay mula sa Pixabay.

Comments

Popular Posts