Bigti

 Nakita ko kung sino ang nag-udyok kay Aling Mareng upang magpatiwakal sa silid na iyon. Alam kong sumisigaw siya at pilit pinaaalis ang kanyang bisita dahilan sa kanilang away sa lupa subalit nagmatigas ang lalaki. At ang lalaking iyon ang magiging dahilan ng kanyang pagbibigti.

Alam ko, sapagkat nakita ko na ang lalaking iyon sa panaginip ko. Makapangyarihan siya at tuso. Mamamatay tao siya.

Una, inutusan niya si Aling Mareng na itali ang lubid mula sa kisame. "Huwag mo siyang sundin! Lumaban ka!" sigaw ko, pero hindi niya ako marinig. "Papatayin ka niya!" Pagkatapos, sinabihan niya na kumuha ng upuan si Aling Mareng, tumuntong doon at ilang sandali pa ay nangyari na ang pagbibigti.

Mabilis ang mga pangyayari. Kinabukasan ay namangha na lamang ang lahat ng mga kapitbahay sapagkat wala silang narinig na ingay mula sa silid na iyon. Wala rin silang alam kung bakit nakakandado ang lahat ng pinto sa bahay. Saan lumabas ang kriminal?

Napakarami nilang tanong. At nalalaman ko ang sagot. Bagaman marami akong alam, hindi ako pwedeng magsalita. Hindi ako. Ayokong sa akin magmula ang lahat. Sadyang hindi maaari.

Hanggang kailan gagala ang mga espiritu upang kunin nila ang mga kaluluwa ng mga taong wala namang kinalaman sa kanilang pagkamatay? Bakit dito pa? Bakit sa mga panaginip ko pa? Bakit kailangan nilang pumatay?

Magkaganoon pa man, hihintayin ko na lamang ang sasabihin ng mga pulis. Maghihintay na lamang ako sa silid na ito. Sinungaling ang mga mata, at wala na tayong magagawa pa. Wala silang alam.

x------x

Ang larawan ay mula sa Pexels.

Comments

Popular Posts