Sino?

 Naririnig namin ang mga multo habang pilit silang pinapakalma ni Manang Helen. Nakapaligid kami sa kanya nang paikot, magkakapit-kamay habang umiihip ang malamig na hangin sa nakabukas na bintana. Madalas na kinakausap na namin ang mga espiritu lalo na kung nagpaparamdam sila sa silid ba ito.

"Sino? Sino ang gumawa nito?! Paano kayo matatahimik?"

Nanginginig kami habang hinigpitan namin ang aming paghahawak-kamay. May tubig nang punapasok sa bukas na bintana, at unti-unti na kaming natatakot sa mga nangyayari. Walang umiimik habang kinakausap pa rin ni Manang Helen ang mga ligaw na kaluluwa.

"Ano ang kanyang pangalan?!"

Bigla kaming may narinig na mga pag-iyak. Noong una ay mahina lamang ito; subalit nang naglaon ay lalo itong lumalakas. Nakakabingi ang kanilang pagtangis. Kasabay nang kanilang pag-iyak ay biglang umagos ang tubig-dagat sa lahat ng dako. Napuno ng tubig ang silid, hanggang sa kanilang mga hita.

"Lulunurin ka rin niya! Huwag kang paloloko! Nandiyan lamang siya!"

Umiiyak na si Manang Helen. "Sino siya? Sumagot ka!" 

"Huli na ang lahat! Susunod ka na, 'tanda! Walang makakatakas sa kanya!"

Lalong umihip ang malakas na hangin at bumuo ito ng maliit na ipo-ipo sa paligid nila. 

"Paparating na siya! Tumakas ka na habang may panahon pa!"

Habang nangyayari ito ay pinagmasdan ko si Manang Helen. Namumula ang kanyang mukha at tila takot na takot. Ngayon ko lamang siyang nakita nang ganito.

Kinilabutan na lamang ako sa mga pangyayari.

x----x

Ang maikling-kwento ay inihatid ng Goldilocks Bakeshop.

Comments

Popular Posts