Kadugo

"Siya. Siya talaga 'yon."

Naririnig ko na naman siya sa panaginip ko. Hindi ko na alam kung sino ang paniniwalaan ko. Nagkakagulo sila. Parang may komosyon.

"Sino sila?" tanong ko sa bata.

"Nagkakagulo sila dahil sa pera. Pinag-aawayan nila ang pera. Hindi sila magkasundo sa mana nilang lupain. Nagsisigawan sila. Nagkakasakitan na. Dahil sa pera. Ako, parang ayoko na ng mana. Kasi ayoko nang manakit ng tao."

Yumuko ang bata, habang nangingilid na ang luha nito. Ramdam ko ang pighati niya. Tuluyan nang bumagsak ang mga luha nito.

"Hindi ko na kaya," nagsalita siyang muli habang natigilan ako. Gusto kong payapain ang kalooban ng bata ngunit paano? Hindi ko rin alam. Basta ang alam ko mas importante ang pamilya sa kahit ano pa mang bagay.

"Nasaan ang mga magulang mo?" tanong ko muli.

"Wala. Wala na sila. Pero ang importante marami silang iniwan na pera. Maraming-maraming pera." Ngumiti ang bata sa akin. Alam ko. Napakalinaw ng panaginip ko.

"Tara, laro tayo," sumagot siyang muli. "Pero ayoko ng tagu-taguan. Ayoko kasi nang may nawawala. Mahirap maghanap. Masakit mawalan. Makirot sa pakiramdam."

"Dahil ba sa mga magulang mo?" tugon ko. "Nawala ba sila."

Tumango lang siya. "Halika, iwan na natin sila. Hayaan mo silang mag-away sa pera."

"Saan tayo pupunta?" tugon ko.

"Sa malayo. Sa liwanag."

Comments

Popular Posts