Malapit

 "Sino siya?" Tinatanong ko na naman sila. Hindi ko na kasi alam ang gagawin. Napakarami nila na nagpaparamdam sa aking panaginip.

"Malapit na sila. Nag-aabang lang ng pagkakataon. Mag-iingat ka. Lalo na sa silid na 'yun."

"Bakit? Anong mayroon sa silid?" Tanong ko.

"Hindi ka ba naniniwala sa kanila? Mapanganib sila. Nag-aabang. Handang umatake ano mang oras. Bigla na lamang silang darating. Mapanlinlang sila. Mamamatay tao!"

"Sa silid na 'yun? Hindi ba silid ng itay iyon?"

"Oo. Sa silid na iyon, marami ang nangyari sa nakaraan. Sa silid na iyon, may dugo na dumanak. Mag-iingat ka. Malapit lang sila."

"Teka. Hindi kita maunawaan. Sino ang namatay sa silid na iyon?"

"Namatay? Sino ang may sabing may namatay doon?"

Kinilabutan ako bigla. "Bakit? Kaninong dugo ba ang dumanak doon?"

"Mapanganib! Huwag kang masyadong maingay. Nakikinig sila. Baka may gawin sila sa iyo. Mag-ingat tayo."

Pagkasabi niya nito ay nagising ako bigla. Umihip ang malamig na hangin mula sa bukas na bintana ng silid. Habang sumasayaw ang mga kurtina sa saliw ng hangin ay may takot na bumalot sa akin.

x----x

Ang maikling kwento ay inihatid ng Rustan's Supermarket.

Comments

Popular Posts