Namayapa

Namatay na rin pala si Aling Mareng. Kanina, habang nasa hardin ako, naririnig ko ang kanyang mga kaanak na nag-iiyakan. Si Marta, ang panganay na anak, ay pumapalahaw kanina pang maagang-maaga.

Wala pang balita kung ano ang kanyang opisyal na ikinamatay, subalit noong nakaraang linggo, kumalat na ang mga usapan na sinasapian daw siya ng masamang espiritu. Malala raw ito, at pilit silang tumawag ng pari upang paalisin ang kung anong espiritu ang sumasapi sa kanya.

Kaya nga dali-daling pumaroon ang pari mula sa Parokya ni San Nicolas upang simulan ang exorcism. Dinig na dinig ko kung paano pinahirapan ng masamang espiritu si Aling Mareng. Nakakakilabot ang mga pangyayari. Masyado akong naapektuhan habang pinakikinggan ang nagaganap sa kabilang bahay. Nakakakilabot. Sadyang napakasakit sa tenga. Makirot sa puso.


May pangalan siyang pilit isinisigaw; ilang sandali pa ay may narinig akong sigawan.

"May uod! May uod sa bibig niya!"

"Huwag kayong kakalas!"

Nangyayari ang lahat ng ito habang nakahiga ako sa kama. Wala si Ramir sapagkat may importanteng lakad para sa trabaho. Kumakalabog ang aking dibdib noong gabing iyon.

Wala na akong narinig pagkatapos noon. Dahil nakatulog na rin ako. Ang akala ko, panaginip lang ang lahat. Subalit hindi pala. 

Patay na nga si Aling Mareng.

x----x

Ang maikling kwento ay itinaguyod ng Century Mall.

Comments

Popular Posts