Masakit

Nakakakita pala talaga ako ng mga multo. Ito ang nakumpirma ko simula nang nangyari ang lahat ng ito sa akin. Marami sila at hindi ko na mabilang ang nagpakita sa akin, at marami pa ang sumunod. Kung pwede lamang malaman kung ano ang gusto nila sa akin, kaya hindi naglaon ay sinubukan ko silang kausapin.

Subalit mailap sila. Madalas, nakatitig lamang sila sa akin. Habang tinatanong ko sila ay hindi sila umiimik. Subalit ang kanilang mga mata ang nangungusap. Alam ko, may nais silang sabihin subalit may pumipigil sa kanila.

Nakakaantig na ng puso, lalo na kung bata ang nagpapakita sa akin. Ano ang pakay nila? Bakit pa sila nagpapakita sa akin kung wala lang? Mayroon silang mensahe, at nalalaman ko ito sa aking puso. At ito ang nais kong malaman. Dati, natatakot ako sa kanila. Pero ngayon, gustong-gusto ko na silang tulungan. Nadarama ko ang sakit na nakakasilaw na nagmumula sa kanilang mga mata.


Minsan, habang nasa silid ako ay hinihintay ko ang isa sa kanilang magpakita sa akin. Kanina ko pa kasi naaamoy ang halimuyak ng bulaklak, tanda na may nagpaparamdam sa akin. Isinara ko ang aking mga mata; nakikiramdam. Ngayon, handa na ako sa kanila.

Ilang sandali pa ay winasak ng malaking alon ang pinto ng silid at pumasok ang tubig sa silid na iyon. Bumukas bigla ang aking mga mata.

"Tulong!"

Isang sigaw ng babae ang umalingawngaw sa silid.

x-----x

Ang maikling kwento ay itinaguyod ng Savemore.

Comments

Popular Posts