Kuro-kuro

Basta ang alam ko, wala akong kasalanan. Kung ano man ang ginawa nila sa iyo at ayaw mo akong patahimikin, bahala ka na. Pagod na ako. Nakakapagod marinig ang mga paramdam mo sa akin. Paulit-ulit na lang ang mga mensahe mong hindi ko naman maintindihan. Kung niloko ka nila, sana tantanan mo na ako. Malala na ang pagod ko.

Sana maisip mo rin at mabasa ang mga kuro-kuro kong pilit ko rin namang itinatago sa iyo. Alam mo ba talaga ang mga pinagdaanan ko sa buhay upang husgahan mo ako nang ganito? Nalalaman mo ba? Alam mo bang nasa kadiliman din ako katulad mo? Sana naman maisip mo na naghahanap din ako ng kalinawagan.


Kaya nga isinusulat ko ang mga kuro-kuro ko ngayon upang malaman mo ang mga nasa isip ko. Sana sa pamamagitan ng liham na ito ay maiabot ko sa iyo ang ninanasa ng aking puso. Nahihirapan din ako na tulad mo. Kung inabuso ka noon, mas naaabuso ako ngayon. Pilit akong inaalipin ng mga kaisipang bumabalot sa aking utak. Biktima rin ako. Katulad mo.

Sana, dumating ang panahong malaman natin ang mga sagot sa ating mga tanong. Matahimik nawa tayo habang pilit nating hinahanap ang ating kapayapaan. Sana, dumating ang araw ng pagpapatawad. Dumating ang panahon ng pagtanggap.

Ikaw. Alam ko gusto mo na ng katahimikan. Pareho tayo. Gustong-gusto ko nang lumaya sa tanikala ng nakaraan. Alam kong sobra na ang pait at pasakit ng kahapon. Kailangan nang bumangon at magpatuloy sa buhay. Sana, makita mo na ang liwanag.

Ang panalangin ko, patuluyin ka na nila nawa sa kaliwanagan at matamo ang buhay na walang hanggang.

x-----x

Ang larawan ay mula sa Pexels.

Comments

Popular Posts