Espiritu

May mga espiritu raw na naririto, nang-gagambala, nagpaparamdam; may mga mensahe raw sila na nais ipahiwatig. Natatakot ako. Hindi ko alam kung bakit ako ang napili nilang pagparamdaman. May nagawa ba akong ikinagalit nila? May mga lihim ba ang aming pamilya na gumambala rin sa katahimikan nila?

Si Manang Helen ang nagsasalita ngayon sa aming harapan, habang hawak-hawak namin ang mga nakasinding kandila. Nakapaikot kami habang kinakausap ang mga multo at espiritung ligaw sa silid na iyon. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Bigla akong pinawisan ng malamig. Kinilabutan na lang ako bigla.

"Nasaan kayo? Ano ang inyong pakay?"

Mabigat ang mga salita ni Manang Helen. Nakakatakot. Bigla akong nagkaroon ng agam-agam habang pilit kinakausap niya ang mga espiritu. Naliligaw nga kaya ang mga multo? Ano kaya ang mensahe nila na dapat malaman ng multo?


"Ano ang inyong sadya?!"

Pagkasabi ni Manang Helen ng mga salitang iyon ay biglang lumabas ang alon ng tubig sa lahat ng dako. Nabasa kami habang umiikot ang tubig sa aming likuran, subalit hindi namatay ang sindi ng aming mga kandila.

"Walang kakalas! Ano ang inyong pakay sa amin?!"

Lalong nagngitngit ang tubig, at ngayon sinamahan pa iyon ng malakas na hangin. Napasigaw na ang lahat habang napuno ng tubig ang silid, habang umiikot ito hanggang sa aming mga ulo.

Ilang sandali pa ay sumuklob sa amin ang tubig hanggang sa ito ay unti-unting mawala.

"Masama ito. Madali kayo!"

May takot ang tinig ni Manang Helen.

x----x

Ang Larawan ay mula sa Pixabay.

Comments

Popular Posts