Multo

Oo. May multo talaga. Nakita ko sila. Marami sila. May nakakubli sa isang sulok. Mayroon ding nag-aaway. Ang iba naman, nakatayo sa isang tabi at nakatitig sa akin ng matalim. Kulay puti silang lahat, parang mga white lady. Hindi ko alam kung tatakbo ako o hindi, dahil hindi naman ako naniniwala sa mga multo. Pero ngayon, alam ko na. Totoo pala sila!

Noong una ay hindi ako makakilos sa kinatatayuan ko. Naroon silang lahat sa isang silid. Alam kong kinikilabutan ako sa mga nakikita ko, subalit kahit anong gawin ko ay talagang hindi ko maigalaw ang aking mga paa. Gusto kong tumakbo!


Biglang sumigaw ang isa sa mga multo at lumipad papunta sa akin. Naramdaman ko siyang lumusot sa aking dibdib hanggang sa likuran ko. Bigla akong nahimasmasan at nakatakbo pababa sa hagdanan na katabi lamang ng silid. Hinihingal ako habang nagmamadaling bumaba. Alam kong humahabol sa akin ang isa sa mga multo.

"Hindi kita papatakasin! Hindi ngayon!" Nakakatakot ang tinig ng multo.

Pagkatapos kong makababa ay kumaripas ako ng takbo sa pintuan sa harap ng bahay, subalit nakakandado ito. Nagmamadali naman akong pumunta sa kabilang pinto habang tumatawa ng malakas ang multo, subalit nakapinid din ito. Sadyang nakakatakot ang hitsura ng multo, at gusto kong kumawala. Umalis na lang sa lugar na ito.

"Hindi ka makakatakas!"

Nagising ako bigla. Pagod na pagod ako, at pawis na pawis. Hindi na ko komportable sa mga napapanaginipan ko. Parang gusto ko nang maniwala kay Ramir na may mga elemento sa aming bahay. Kailangan nga sigurong may gawin ako. Tila hindi ko na kaya ang pambubulabog nila sa akin.

x----x

Ang larawan ay mula sa Pexels.

Comments

Popular Posts