Baliwala

Maraming katanungan ang pilit naglalaro sa aking isipan. Sino sila? Bakit nagpapakita sila sa akin? Dapat ko pa rin ba silang baliwalain? O sadyang may panganib na nais silang ipahiwatig?

Madalas na akong hindi makatulog simula ng kanilang unang pagpaparamdam. Sinasabi ko pa rin kasi sa sarili ko na hindi totoo ang mga multo, pero madalas na silang nagpapakita. Malimit. Kahit nasaan ako. Pakiramdam ko tuloy, may sakit na ako sa pag-iisip. May mga medisina na kasi akong iniinom pampatulog at apektado na rin ang aking pang-araw-araw na buhay.


Isang gabi, habang natutulog ako sa aming silid ni Ramir, napanaginipan ko na naman ang batang iyon. Naglalaro siya sa tabi ng ilog. Masayang-masaya siyang nagtatampisaw kasama ng isang aso nang may biglang dumating na mga armadong lalaki. Pilit siyang dinampot ng mga ito papunta sa isang sasakyan. Umiiyak ang bata habang kinakaladkad siya ng mga ito; sumisigaw siya at humihingi ng tulong.

"Parang awa n'yo na, 'wag!"

Tumimo sa aking isipan ang mga panaghoy na iyon. Naghahalakhakan pa ang mga lalaki habang tumatakas sila papalayo. Naiwan naman doon mag-isa ang asong naghihintay sa kanyang among hindi na babalik.

Bigla akong nagising. Sino ang batang iyon? Bakit hindi ko siya maalala? Bakit siya nagpaparamdam? Anong nangyari sa kanya?

Kailangan kong alamin ang mga sagot sa katanungang ito. Alam ko, nanghihingi siya ng tulong sa akin. Hindi ko siya dapat pabayaan.

x-----x

Ang maikling kwento ay inihatid ng Unilab, Inc.

Comments

Popular Posts