Antigo

May natira pa palang antigo rito sa bahay. Ang alam ko kasi naibenta na lahat ang mga antigo ng tatay. Isa ito sa mga salamin na madalas ginagamit kapag gumagayak sila ni nanay, kaya't natatandaan ko pa ito nang mabuti.

Ngayon ay nasa harapan ko ito. Wala naman itong masyadong pinagbago, at nasisiguro kong mahal na ang presyo nito kung maibebenta. Maganda pa rin ang arte ng salamin. Naroon pa rin ang gayak nito na talaga namang kaaya-aya.

Habang pinagmamasdan ko ito ay kinilabutan ako. Parang may kung anong misteryo na taglay ang salamin. Pakiramdam ko, may hipnotismo ang salamin na pilit akong dinadala sa isang lugar.

Natulala ako nang matagal sa harap ng salamin. Wala na akong masyadong matandaan sa mga nangyari bago ko nakita ang isang hardin. Napakaganda nito at tiyak na inayos ng isang propesyonal.

Sa bandang likuran ng hardin ay nakita kong muli ang batang matagal ko nang hinahanap. Naglalaro siya sa fountain. Ngumiti siya sa akin habang pinagmamasdan ko siya. Lumapit ako sa kanya.

Subalit tumakbo siya nang nakita niyang lumalapit ako. "Sandali!" sigaw ko. Ngunit nagpatuloy siyang tumakbo papalayo. Noong nakarating ako sa fountain ay may nakita akong papel sa gilid nito. Naiwan yata nang bata habang naglalaro.

Pinulot ko ang papel at binasa ko ang nakasulat dito:

MAG-INGAT KA. PAPARATING NA SILA.

Nakasulat ito sa dugo. Bigla akong nagising. At nakita kong may tumutulong dugo sa aking ilong.

x----x

Ang maikling kwento ay inihatid ng Mercury Drug.

Comments

Popular Posts