Kandado

Nasaan na kaya ang batang iyon? Simula nang nakita ko siya ay madalas ko nang abangan kung magpapakita siyang muli. Hindi kaya multo siya na nagpapakita sa aming tahanan? Parang gusto ko nang maniwala sa mga kababalaghan.

Mayroon ang batang iyon na hindi ko maintindihan. Bigla ko na lamang naaalala ang tungkol sa itay simula nang magpakita siya sa akin. Ano nga kaya ang koneksyon naming dalawa?

Madalas kong ikandado ang pintuan kung saan siya biglang nawala sa aking paningin. Gusto ko kasing patotohanan kung may multo nga ba sa aming bahay o kung totoo nga bang may mga multo. Kagaya nang nasabi ko na sa simula pa lang, hindi ako naniniwala sa mga multo at kahit anong kababalaghan.


Subalit narito ako ngayon, naghihintay na dalawin ako ng isang multo. Importante ko kasing makausap ang bata. May nais akong itanong sa kanya. Saan kaya siya galing? At bakit narito siya? Ito ang isang silid na nakakandado na nais kong buksan. Gusto kong palayain ang aking utak sa mga silid na pilit kong isinara.

Madalas akong maglakad-lakad sa aming hardin, hinihintay ang kanyang pagpaparamdam. Subalit habang hinihintay ko siya ay lalo namang hindi ko siya matagpuan. Sadyang ganoon yata ang buhay. Minsan ang akala nating katotohanan ay huwad naman talaga.

Alam kong kailangan kong alisin ang mga kandado sa aking isipan upang pumasok ang liwanag sa kadilimang sadya ko ring ginawa. May multo ang nakaraan na kailangang harapin. Historyador ako kaya alam kong ito ang totoo.

Kailangan ko nang harapin ang dulot ng mga desisyon ko sa nakaraan.

x----x

Ang maikling kwento ay inihatid ng Nescafe.

Comments

Popular Posts