Kalaban

Ano nga ba ang ibig sabihin ng mga bagay na lumilito sa ating kaisipan? Una, magsisimula lamang ito bilang isang munting tinig sa ating mga ulo. Pagkatapos ito ay unti-unting lalaki hanggang sa ito ay gumugulo na sa ating mga utak. Pilit nitong makikipisan sa mga dapat nating gawin na nagdudulot kalaunan ng masidhing kalungkutan.

Sino nga ba ang ating mga kalaban? Ito ba ay ang ating mga sarili? Ang ating kapwa? O ang ating mga ideya?


Sa simula, tila maganda ang bumuo ng mga ideya na siyang magiging basehan ng isang kaisipan. Hindi ba't ang mga kaisipan ang bumubuo ng karunungan? Maganda nga ito, sadyang mainam. Subalit ang mga kaisipan ding ito ang pumapatay sa ating pagkatao.

Kaya nga, madalas tayo ay nakabilanggo sa mga kaisipang ito. Para tayong nakapiit sa isang silid na ginawa natin sa ating mga ulo. Pilit iinog ang ating pagkilos sa mga ideyang hinahawakan natin na minsan ay wala naman talagang kabuluhan.

Ang pagiging malaya ay ang pag-alis sa silid na ito. Dapat nating gamitin ang ating mga tenga upang pakinggan ang itinuturo ng mundo, at hindi sa nakakahon na mga ideya na kaya namang pasinungalingan ng iba. Dapat nating imulat ang ating mga mata sa mga katotohan ng buhay.

Tama. Ito nga ang malayang sining. Itinuturo nito na ang tunay na kalaban ay ang ating mga sarili, sapagkat madalas nating isusi ang ating mga pag-iisip sa mga ideyang baluktot, makasarili, at huwad.

Kailangan nating igupo ang kalabang ito.

x----x

Ang larawan ay mula sa Pixabay.

Comments

Popular Posts