Boses

"Sino ka? Anong kailangan mo sa akin? Bakit mo ako ginaganito? Umalis ka! Hindi kita kailangan."

Isang halakhak ang maririnig. Mababa ang boses at mukhang nanunuya.

"Hindi kita kailangan! Bumalik ka sa pinanggalingan mo! Hayop ka talaga! Akala mo ba na hindi ko alam ang ginagawa mo kay inay? Umalis ka! Huwag mo akong pilitin! Demonyo ka!"

Muli, isang mababang halakhak lamang ang maririnig bilang tugon. Makikita namang humahagulgol ang batang sumisigaw.


"Huwag mo akong pilitin na isumbong kita! Hindi kita mapapatawad! Alam mo bang naririnig ko lahat ng kawalanghiyaan mo? Kaya tigilan mo na ako! Tumigil ka na!"

Halakhak lamang muli ang tugon.

"Umalis ka! Huwag mo kong pilitin! Umalis ka sa utak ko!"

Humahagulgol pa rin ang bata. Subalit wala nama siyang kasama sa silid. Ang sabi ng mga nurse, matagal ba ang bata sa mental hospital. Nabaliw daw simula nang maulila.

Pinagmasdan ko siyang mabuti, at naawa ako sa kanya. Tunay ngang sa pandinig mo malalaman ang sakit na dinadala ng isang tao na nagmumula sa kanyang puso. Pilit siya ngayong pinipigilan ng mga nurse sa ospital upang kumalma.

May takot ang kanyang boses at tanging ang silid ng pagamutan ang nagtitiyagang makinig sa kanya. Mahirap limutin ang nasaksihan ko ngayong gabi.

x----x

Ang maikling kwento ay inihatid ng Sisig Society.

Comments

Popular Posts