Salamin

Dati-rati, madalas kong nakikita ang ganda ng aking sarili sa harap ng salamin. Pilit kong sinusuklay ang aking buhok nang marahan habang nag-iisip ng kung anu-ano. Alam ko kasi kung sino ako. Alam ko kung ano ang pag-ibig. At alam ko kung ano ang nararapat sa akin.

Kaya nga tuwing makikita ko ang aking sarili sa harap ng salamin, nauunawaan ko ang pinagdaraanan ng iba. Ilang babae kaya ang umiiyak habang nakaharap sa salamin at pinagmamasdan ang mga pasa sa kanyang mukha at pilit sinasabi sa kanyang sarili na mahal pa rin niya ang kanyang asawa?


Hindi ko maunawaan kung bakit may mga babaeng martir. Bakit kailangang tiisin ang panggugupil ng lalaki? Pilit kainin ang mga pagmumura na kahit asong gala ay hindi makain? Bakit kailangang mag-alinlangan hinggil sa dapat gawin? Bakit hinahayaan niyang mawala ang kanyang dignidad dahil nakadepende siya sa kanyang asawa?

Babae ako. Alam ko ang dapat gawin. Hindi ako dapat pasiil.

Kahit ikulong nila ako sa silid, matahin nila ako, kahit laiitin nila ang aking pandinig o lunurin nila ako sa dagat, pilit akong lalaban. Pilit akong magsusumikap. Pilit kong aabutin ang dapat na maabot.

Babae ako. Tama, babae ako. Maganda ako, dati, ngayon, at bukas.

x----x

Ang maikling kwento ay hatid ng Fully Booked Bookstore.

Comments

Popular Posts