Pasilyo

Nakikita ko ang tatlong silid. Nakapinid ang dalawa, habang nakabukas ang sa gitna. May tinig na nagmumula sa isa sa mga ito. Nakakatakot ang tinig. Tila isa itong umaalulong na lobo sa 'di kalayuan na parang narinig ko na sa kung saan.

Madilim sa pasilyo kung saan ako nakatayo, subalit naiilawan ang sa mga pinto. Naalala ko tuloy bigla ang sabi ni Aling Maring tungkol sa isa sa mga silid. Namatay daw doon ang lola ng isa sa mga may-ari ng bahay.

Ayon pa sa kanya, hindi raw maintindihan ang sakit ng kanilang lola. Kung saan-saang ospital na raw dinala ang matanda subalit hindi matukoy ang kanyang sakit. Nakakaawa raw ang kanilang pagdurusa habang pinagmamasdan ang kamatayan.


Hanggang sa igupo na ng sakit ang matanda. Napuno ng kalungkutan ang pamilya. Paano na sila ngayong wala na ang kanilang lola? Halos mamaga ang kanilang mga mata dala ng labis na pagtangis.

May naririnig ako na mga bumabagsak na bagay mula sa nakabukas na silid. Gusto ko nang umalis mula sa kinatatayuan ko pero hindi ko magawa. Biglang may malakas na hangin na umihip mula sa silid patungo sa akin.

Naitulak ako ng hangin at bumagsak sa hagdanan. Pagkatapos ng hangin ay lumabas ang tubig-dagat mula sa silid din na iyon.

Nagising ako. Napakasakit ng aking ulo. Masamang panaginip lang pala.

x----x

Ang maikling kwento ay inihatid ng EastWest Bank.

Comments

Popular Posts