Gunita

Nagising na naman ako sa pagkakaidlip. Mainit ang panahon at ako ay pawis na pawis. Wala na ang mga bisita. Hindi ko namalayan na nakatulog ako. Kaarawan ni Ramir ngayon at nagkaroon kami ng kaunting salu-salo. Nagkasiyahan ang mga magkakaibigan hanggang ang lahat ay napagod, at ang iba ay nalasing na.

Marami akong gunita tungkol sa mga kasiyahan. Subalit hindi ko talaga makakalimutan ang nangyari noong ako ay sampung taong gulang pa lamang. Kaarawan ko noon at kumpleto ang kasiyahan. May mga lobo, cake, at spaghetti na nakahanda para sa aking mga kaibigan. Masaya kaming naglalaro bago kumain.


Sa aming munting programa, may napansin akong isang bisita na hindi ko kilala. Masaya siyang nakikipaglaro sa amin, bagaman wala naman siyang kaibigan sa mga naroroon.

Pinagmasdan ko siya nang maigi. Parang may kakaibang awra siyang dulot sa akin. May enerhiya siyang taglay na hindi ko maintindihan. May mga gunita siyang pilit niyang ipinapaalala sa akin. Bakit siya nandito? Anong kailangan niya sa akin!? Kailangan niyang umalis!

Patuloy siyang nakikipaglaro sa mga kaibigan ko. At habang pinagmamasdan ko siyang masaya, lalong kumukulo ang galit ko. Hindi siya imbitado kaya kailangan niyang umalis. Umalis siya kasama ng gunita ko! Huwag siyang magbabalik!

Bata pa ako noon, at marahil, dala lamang iyon ng selos sa mga kaibigan ko. Siguro masama lamang ang pakiramdam ko noon kaya naging masungit ako sa kanya. Labis kong pinagsisisihan ang inasal ko noon at ninais kong hanapin siya upang manghingi ng tawad.

Nalaman ko na lamang isang araw na patay na siya.

x----x

Ang maikling kwento ay inihatid ng Union Bank.


Comments

Popular Posts