Kalooban

Ako ba'y anino lamang ng isang nakaraang hindi ko na maalala? Hindi ba't tayong lahat ay inilalarawan ng ating mga kalooban? Bagaman tayo ay sinusubok ng panahon, ang lahat ng ito ay nakakapit sa ating mga gunita at ito'y bumubuo sa ating pagkatao.

Nitong nakaraang gabi, ako ay nanaginip na naman. Sa pagkakatanda ko, ako ay dinala ng aking panaginip sa isang madilim na lugar. Masukal ang paligid, at tanging buwan lamang ang nagmagandang loob upang tulungan ang aking paningin. Sa hindi kalayuan ay may nakita akong isang tao na tila naghihingalo.


Hindi ko masyadong namukaan ang lalaki, subalit narinig ko siya. Humihingi siya ng tulong. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lamang tumigas ang aking mga paa at hindi ko nagawang kumilos upang siya ay tulungan. Sa pagsigaw niya ay nararamdaman ko rin ang sakit ng pinagdadaanan niya, subalit wala akong magawa.

Nagwawala siya sa hinihigaan niyang lupa at hirap na hirap. Parang hindi siya makahinga subalit nakapagsasalita pa naman. Habang siya ay humihingi ng tulong, bigla ko na lamang siyang narinig na umalulong. Napakalamig ng kanyang tinig at lubhang nakakatakot.

Ilang saglit pa ay unti-unting bumubukas ang kanyang dibdib, at lumalabas doon ang tila isang halimaw. Lumakas ang kanyang mga panaghoy at bigla na lamang lumundag ang halimaw sa aking mukha!

Nagising ako bigla.

x---x

Ang maikling kwento ay inihatid ng BDO.


Comments

Popular Posts