Dilim

Naglalakbay ako. Mag-isa. Hindi makita ang dinaraanan. Laging nadadapa. Naghihikahos. Uhaw na uhaw. Hindi ko alam kung tuyo lang ang lalamunan ko o may ibang uhaw sa aking sarili. Hindi kaya siya yun?

Pero sino siya? Hindi ko siya kilala. Hindi ko alam kung saan ko siya matatagpuan. O kung saan ko hahanapin. Alam kong naliligaw ako sa lugar na ito. Paano ko malalaman ang daan? Wala akong makita. Nadadapa na naman ako. Pero sige lang. Babangon habang kaya. Kakayanin. Makakaalis din ako sa lugar na ito.


Bigla akong nagulat! Nakakita kasi ako ng kidlat. Bakit may liwanag sa lugar na iyon? Bakit ako nasa kadiliman?

Ayan na naman sila. Naririnig ko na naman ang mga halimaw. Umaatungal na naman sila. Naghahanap ng pagkain. Ginagamit nila ako! Hanggang kailan ko sila pagsisilbihan?

Lumabas na naman sila at binuksan nila ang aking dibdib. Naglabasan sila! Napakarami nila. Nananahan sila sa aking katawan at hindi ko alam kung bakit. Lumabas kayo sa aking gunita!

Unti-unti akong nagiging silid ng galit. At poot. At muhi. Subalit naririnig ko rin ang mabuting musika. Ang magagandang tinig at salita ng karunungan. Narito ba ako para pumili ng tamang gagawin?

Subalit mapilit sila! Lahat sila! Pinipilit nila akong gawin ang kagustuhan nila! Hanggang kailan ko pagtitiisan ang panggagamit nila sa akin? Wala ba silang budhi?

Mga halimaw sila! Mga halimaw sila!

x----x

Ang maikling kwento ay itinaguyod ng Shangri-La Plaza.

Comments

Popular Posts