Pangalan

Ipinakilala ni Rodrigo ang bago niyang nobya sa amin ni Ramir. Ang tingin ko naman, mabait si Lea kaya lang parang mabigat ang dugo ko sa kanya. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko, pero hindi ko naman ito ipinahahalata sa kanya.

Masakit pa rin ang paa ko, gawa nang natapilok ako noong isang araw. Hindi ko na maalala ang ginagawa ko noon, pero ang alam ko tumatakbo ako. May kumakatok kasi sa pintuan na kailangang pagbuksan.


Upang mas lalo pa naming makilala si Lea, nag-alok si Rodrigo na lumabas kaming apat. Pumayag naman ako. Habang kumakain kami ay parang may naaalala ako kay Lea. May napapansin akong mga ugali niya na nakita ko na sa isang taong malapit na malapit sa akin.

Hindi kaya si ...? Nag-alangan ako. Habang nagsasalita si Lea, naaalala ko ang isang bagay na parang hindi ko maintindihan. May lumiligalig sa aking isipan. May dapat akong maalala!

Noong mga nakaraang araw, may mga nangyayari sa aking parang nakaguhit na sa tadhana. Parang isa-isang dumarating nang nakaplano na.

Nurse pala si Lea. Nasa ICU raw siya at parang nasasanay na raw siyang makakita ng mga taong unti-unti nang namamatay. Noong bago pa raw kasi siya sa trabaho, parang natatakot siya. Minsan nga raw, nakakakita siya ng mga anino sa pasilyo malapit sa ICU. Parang mga multo raw na sinusundo na raw ng mga anghel.

Mabait si Lea. Alam ko yun. Marunong naman talaga akong kumilatis ng tao. Subalit bakit may ganito akong nararamdaman laban sa kanya?

x----x

Ang larawan ay mula sa Pixabay.

Comments

Popular Posts