Hadlang

May tula akong nabasa minsan na tila nagpapahiwatig ng isang pitak sa aking pagkatao na parang nalilimot ko na. Maraming bagay akong nakikita na dahilan sa nasasagap ng aking mata, at mayroon ding tungkol sa naririnig ng aking gunita galing sa musika. Ang mga bagay na ito ang pilit umuunawa upang mas lalo ko pang maunawaan ang aking sarili.

Ang tula ay tungkol sa isang taong nakulong sa isang silid dahilan sa pag-ibig. Mas ninais niyang ikulong ang kanyang gunita upang mahalin ang kanyang iniirog; mas pinili niyang ialay ang kanyang sariling kalayaan para sa pag-ibig para sa isang taong hindi naman ito nais suklian. Napakakirot.

Kaya, tunay nga ba na sadyang mapaghangad ang pag-ibig? O isa itong martir? Kailangan bang magtiis ang ating mga puso upang patunayan lamang na ang ating layunin ay totoo?


Sadyang totoo nga na maraming hadlang sa buhay. Alam ko ito sa mga kasaysayang napag-aralan ko na. At mas lalong alam ko ito tuwing nagbabasa ako ng peryodiko. Paulit-ulit lamang ang buhay, sabi nga nila.

Isang umaga, may masamang balita akong natanggap. Namatay na raw si yaya sa isang aksidente. Sadya ngang mapaglaro ang tadhana. Maraming hadlang. Maraming dapat pagtagumpayan. Maraming dapat intindihin. Makita. Marinig.

Bakit si yaya pa? Marami namang masasamang tao riyan. Bakit may mga mabubuting taong mas kinukuha ng mas maaga sa iba? Tunay nga bang hadlang ang kamatayan para sa mabubuting tao?

Yaya? Tanong ko habang pinagmamasdan ko siya sa kanyang kabaong. Huwag mo kong kakalimutan, nasabi ko. Hindi kita makakalimutan kailanman. Salamat sa lahat. Sana ay makita mo na si Dodong mo. Siguro, mas malaya ka na riyan kaysa sa mundong ito na puno ng hadlang.

Hadlang. Maraming hadlang na dapat ngang lagpasan.

x----x

Ang larawan ay mula sa Pixabay.

Comments

Popular Posts