Nobyo

Inaamin ko, marami akong mga bagay na sadyang nakakalimutan. Minsan, pati pitaka ko hindi ko na namalayan kung saan ko naipatong. Mana yata ako sa tatay. Marahil, tama si yaya na madali akong makalimot hanggang sa kaliit-liitang bagay.

Basta ang alam ko, ang hindi ko malilimutan ay si Ramir. Ibang-iba talaga siya sa mga taong nakilala ko. Madalas niya akong napapatawa at napapasaya. Masyado siyang mapagmahal at nararamdaman ko ang alaga niya sa akin. Siguro, siya na ang pakakasalan ko, pero ayoko pang magsalita nang tapos. Ang pagpapakasal kasi ay pang-habang-buhay na desisyon na kailangang pag-isipan.

Taga-Nueva Ecija si Ramir, at madalas niya akong sinasama sa bahay nila roon. Mayaman sila at malawak ang lupain. Bagaman agrikultura ang negosyo ng kanilang pamilya, mas pinili niyang magpakadalubhasa sa Matematika. Bagaman marunong rin siya sa pagsasaka.

Lumipas ang panahon at sa dalas ng pag-uwi namin sa kanilang probinsiya, mas lalo akong naging malapit sa kanilang pamilya. Maalaga sila kapag naroon ako, at magiliw ang pagtanggap sa mga bisita.

Sa tagal ng pabalik-balik kong pagpunta sa kanilang bahay ay napukaw ang aking atensiyon sa desenyo ng kanilang pintuan sa bandang likod ng bahay. Mga bulaklak ito na nakaukit sa narra. Minsan naitanong ko na sa kanya kung sino ang gumawa, at madalas niyang sabihin na hindi na niya maalala.

Historyador kasi ako at parang may naaalala ako tuwing makikita ko ang pintong iyon. Parang nakita ko na siya sa isang aklat tungkol sa mga mito ng kasaysayan ng Gresya.


Madalas din kaming pumunta sa aming bahay, at malapit din siya sa yaya. Parang matagal na silang magkakilala tuwing magkikita sila. Ewan ko ba, parang ramdam ko na tuloy na kami na ang itinadhana para sa isa't-isa. Siguro, kapag inaya na niya akong magpakasal, sasagot na ako ng oo.

Dumalas ang mga araw na napapanaginipan ko ang pinto na iyon. Parang may kung anong hiwaga ang pumapalibot doon, at ano mang oras ay may lalabas na halimaw mula sa pintuan. Hindi naman ako naniniwala sa multo, pero bakit natatakot ako bigla sa aking mga panaginip.

Minsan, gumigising pa ako na pawis na pawis at nanlalamig.

Dumating pa ako sa punto na ayoko nang matulog. Sa tuwing mananaginip kasi ako ay unti-unting bumubukas ang pintuan, at ang mga desenyo sa pinto ay parang kumikinang. Kulay pula ito, at sadyang nakakatakot.

Hindi ko maipagtapat ang tungkol sa mga panaginip ko. Maski kay yaya at lalong-lalo na kay Ramir. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko, pero hindi ko talaga masabi ito kahit kanino.

Hanggang dumating ang Araw ng mga Patay. Matapos naming dumalaw sa puntod ng itay, namasyal kami sa Baguio upang maka-sagap naman ng malamig na hangin. Napagod kasi kaming dalawa sa trabaho, at kinailangan ang bakasyon.

Dumating ang gabi at nakatulog ako.

Habang nananaginip ako ay bumukas ang pintuan. Madilim sa loob, at walang makita kung hindi mga matang kulay pula. May naririnig akong ungol na parang nanggagaling sa hayop.

Sa aking panaginip ay tumakbo ako patungo sa pintuan upang isara ang pinto. Pero huli na ang lahat! Biglang nilapa ako ng halimaw.

Nagising ako bigla.

"Happy Birthday!" bati ni Ramir sa kanya. "Tara nang kumain ng umagahan."

x------x

Ang maikling kwento na ito ay inihatid ng Jollibee. You Bee-long.


Comments

Popular Posts