Maikling Kwento: Silid

Tandang-tanda ko pa ang sinabi ng nanay noon. Bawal pumasok sa silid na iyon. Hindi ko alam kung bakit. Basta masama. Bawal. Kahit nga si yaya na sobrang malapit sa inay, hindi rin pwedeng pumaroon. Walang nakakaalam kung bakit; wala rin namang sinabing dahilan ang nanay. Mula pa noong nagkamalay na ako, palaging hindi maaring pumasok doon ang sagot sa mga tanong.

Ang silid na iyon ay malapit sa hagdanan papunta ng attic. Lagi iyong nakapinid at may labin-dalawang kandado. Ang natatandaan ko, kahit hipuin man lang ang mga kandado ay ikinagagalit na ng nanay. Mahiwaga raw ang silid na iyon, sabi ng mga kalaro ko, kaya walang pumapasok at ipinagbabawal. May hiwagang dulot ang silid na iyon, sabi nila.

Ayon sa mga kapitbahay, ang bahay na iyon ay makasaysayan. Kaya nga binili iyon ng tatay. Ang tatay kasi ay kolektor ng mga antigong bagay. Tunay nga na lahat ng mga muwebles na naroon ay mataas na ang halaga dala ng kalumaan nito. Bawat piraso ng kanyang koleksyon ay may istoryang nais ibulalas. At makikita ang pruweba sa taglay nilang kinang at akmang desenyo hanggang sa kaliit-liitang detalye.

Subalit wala namang kakaiba sa silid na iyon. Wala namang kakaiba o mga multong nagpaparamdam sa kabahayan, at ang silid mismo ay walang ipinararamdam na hindi magpapatahimik sa sambahayan. Hindi gaya ng iisipin ng iba, walang paranormal activity sa aming tahanan.

Kaya't lumaki nga akong nagtatanong. Ano ang sikreto ng silid na ito? Bakit bawal pumasok? Bakit masama? Anong mayroon? Anong nangyari? Simula noong namatay ang itay, wala ring sinabi ang kanyang abogado kung kanino mapupunta ang bahay bilang mana.

Maraming bagay na nga ang nagbago simula sa paglisan ng itay. Naibenta na ang ibang mga antigong bagay. Marami rin kasing naiwang pagkakautang ang tatay, at ang mga pinagbilhan ang ibinayad sa mga ito.

Natatandaan ko, may sinabi si yaya sa akin tungkol sa mga kandado sa pinto ng silid. "May makakatakas," sagot niya, minsan noong natanong ko siya bago siya sinisante at umuwi sa Cebu. "Mag-iingat ka anak."

"Bakit yaya? Ano pong mayroon?"

Noon lang kasi nagtapat si yaya tungkol sa silid. Subalit noong tinanong ko siya, umiling na lamang siya at hindi na kumibo. Bago siya tuluyang humayo ay may sinabi pa siya sa akin na hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan.

"Huwag kang makakalimot."


Makakalimot? Bakit? Kailan ba ako nakalimot? May nakalimutan kaya ang tatay na sabihin sa akin? Anong alam ko na hindi dapat kalimutan? May kamalian ba na dapat ituwid, o mga sikretong dapat malaman? Hinding-hindi ko talaga lubos maunawaan.

Inaamin ko. Naging malungkot ang bawat sandali sa bahay simula nang lumisan na si yaya. Wala na kasi akong madalas na kausap. Kailangan ko na ring maghanda ng sarili kong meryenda. Minsan nga, tinatanong ko rin ang sarili ko kung bakit nila pinaalis si yaya. Siya lang naman ang lagi kong kasama. Ngayon, umaalingawngaw ang katahimikan sa kabahayan.

Lumipas ang panahon at naghihintay ako ng isang bagay na nakakatakot, dala marahil ng mga tanong ko tungkol sa silid. Wala nga kayang nagpaparamdam sa loob nito? Wala bang mahiwagang mangyayari? Minsan nga, gumising ako ng madaling araw upang pagmasdan kung may nakakatakot na mangyayari sa labas, malapit sa pinto. Subalit wala naman. Wala namang nangyaring kababalaghan.

Lumaki akong hindi naniniwala sa mga multo na 'yan. Alam iyan ng aking mga kaibigan. Kahit mga kapitbahay, alam na alam din ang bagay na ito. May silid nga sa aming bahay na bawal silipin at wala namang nagpaparamdam. Kaya, bakit ako maniniwala? Kalokohan ang mga multo. Kathang isip lamang.

Lumipas ang panahon at nagkaroon ako ng trabaho bilang historyador ng isang pamantasan sa Maynila. Simula nang na-destino ako roon, dumalas ang paglisan ko sa bahay. At habang nalilibang ako sa pagtuturo, medyo nawala ang aking pag-iisip tungkol sa mahiwagang silid.

Doon ko nakilala si Ramir. Si Ramir ay propesor ng Matematika sa pamantasang pinapasukan ko. Madalas kami magkasama sa faculty room ng Kolehiyo ng mga Sining at Agham. Kung hindi algebra, minsan naipapasok ko naman ang kasaysayan ng Pransiya sa aming pag-uusap. May mga naikukuwento siyang bagay sa akin na tungkol sa mga kaluluwang ligaw. Hindi katulad ko, si Ramir ay naniniwala sa multo o sa mga espiritung nagpaparamdam.

Sabi niya, ang mga multo raw madalas ay mga espiritung naliligaw na hindi makatanaw ng liwanag. Hindi raw sila makatawid sa dako pa roon sa maraming kadahilanan. Minsan nga raw, naramdaman niya mismo ang presensiya ng yumao na niyang ina.

Simula noong nagbahagi si Ramir sa kanya tungkol sa mga kaluluwang naliligaw, nagkaroon siya ng lakas ng loob na ikwento rin ang tungkol sa silid sa kanilang bahay upang tanungin kung ano ang kanyang palagay.

"Silid...?" Tanong niya. "May mahiwagang silid sa inyong bahay?"

Naramdaman ko ang biglang pagbabago ni Ramir pagkatapos kong sabihin sa kanya iyon. Hindi ko na siya madalas makakwentuhan. Tuwing bakante ang kanyang oras, mas pinipili na lamang niyang magtama ng mga papel ng kanyang mga estudyante sa halip na magkwento tungkol sa mga kababalaghan.

Isang araw, nasabi niya sa akin minsang naharang ko siya sa pasilyo na, "Huwag kang makakalimot."

Madalas nagtataka ako kung mayroon ba talaga akong nakakalimutan kaya nasasabi nila ito? Malalim kasi akong tao kaya siguro. Ayaw nilang magbago ako.

Isang gabi, napanaginipan ko si yaya. Bumalik daw siya sa bahay upang bumalik na muli sa aming pamilya para magsilbi. Subalit nagbago na siya. Hindi na siya katulad nang dati. Nawala na ang dati niyang saya at giliw. Nagbago na siya. Ang daya ni yaya; siya pala ang makakalimot.

Nagising ako sa panaginip na iyon nang pawis na pawis. Hindi ko na maalala ang iba pang nangyari. Basta ang alam ko, may kailangan akong malaman.

Ano kaya ang ibig sabihin ng panaginip na iyon? Hindi kaya alam ni Ramir ang dapat kong malaman. Bakit kaya hindi ako dapat makalimot?

Hinanap ko si Ramir upang magtanong, subalit nalaman ko na nagbitiw na siya. Bigla akong kinabahan. Hindi ko mapaliwanag pero bumilis ang tibok ng puso ko.

Bigla kong naisip na kailangan kong umuwi. Naroon ang kasagutan sa mga tanong ko. Basta ramdam ko. May kailangan akong malaman sa bahay namin na iyon.

Walang tao nang dumating ako, kaya madali kong hinanap ang susi ng bahay sa aking pitaka. Tahimik ang lugar noong pumasok ako, subalit may maingay na nanggagaling sa taas.

Dagli akong pumaroon, at nabigla ako. Bukas ang pintuan ng silid na iyon, subalit naroon pa rin ang mga kandado. Lalo akong kinabahan. Bakit bukas ito? Anong nangyayari?

Dahan-dahan akong lumapit. Anong mayroon sa loob? At sino ang nagbukas nito?

Pagsilip ko sa silid ay bigla akong hinigop nito papasok, at pagkatapos ay sumara ito.

"Halimaw! Halimaw!"

Nakipagbuno ako sa halimaw na ito, kahit madilim. Subalit malakas ito. Hindi nagtagal ay nanghina ako, at unti-unting nalagutan ng hininga.

Nagising ako bigla. Natutulog pala ako sa tabi ng silid.

"Monica," bungad ng yaya sa akin. "Sabi ng nanay mo na bawal pumasok diyan hindi ba? May nakalimutan ka ba?"

x--------x

Ang Larawan ay mula sa Pixabay.




Comments

Popular Posts